Mas malalang trapiko sa bansa, inaasahan ng mga Pilipino – survey
Ito ang paniniwala ng mga Pilipino ayon sa isang survey.
Batay sa ulat Nikkei Asian Reiew, lumabas sa survey ng Financial Times Confidential Research noong huling quarter ng 2017 na 62% ng 1,000 urban respondents sa bansa ang umaasa na sasama pa ang trapiko sa bansa sa susunod na 12 buwan.
Ito ang sentimyento ng respondents sa Metro Manila, Metro Cebu, Metro Angeles, Metro Davao, Metro Baguio, Cavite at Laguna.
Sa kabila ito ng malawakang proyektong pampublikong transportasyon ng gobyerno sa ilalim ng “Build, Build, Build.” Hindi kasi matatapos ang mga programa hanggang sa susunod na taon.
Sinabi sa ulat na mayroong bad record ang gobyerno sa pagtatayo ng rail systems, halimbawa na lamang ng madalas na aberya ng Metro Rail Transit-3.
Lumabas din sa pag-aaral na marami pa rin ang bumibili ng sasakyan sa unang bahagi ng taon sa kabila ng pagpapatupad ng reporma sa buwis.
Ayon sa naturang survey, bagaman inaasahang mas lalala pa ang sitwasyon nang trapiko, wala namang anumang senyales sa panahon ngayon na makaapekto ito nang masama sa popularidad ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.