Cabinet cluster na tututok sa OFW, ipinanukala ni DFA Sec. Cayetano
Nanawagan si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na bumuo ng cabinet cluster na tututok sa Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sinabi ni Cayetano na sa ganitong paraan, mapabibilis ang pagtugon sa interes ng OFWs.
Dagdag ng kalihim, mababawasan ang pagkakalito ng mga manggagawang Pilipino kung aling ahensya sila magpapasaklolo.
Inihalimbawa ni Cayetano ang kaso ni Joanna Demafelis, ang OFW na natagpuan ang bangkay sa isang freezer sa Kuwait. Aniya, 2016 pa lamang nang iulat ng kanyang pamilya na hindi siya ma-contact ngunit hindi agad naaksyunan.
Sinabi ni Cayetano na nagkaroon din ng pagtuturuan sa pagtugon sa mga kaso.
Dumulog ang pamilya ni Demafelis sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kaugnay ng kanyang kalagayan sa Kuwait noong 2016.
Gayunman, idinerekta sila ng POEA sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nagpabalik din sa kanila sa POEA.
Ayon sa OWWA, ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya sa kaso ni Demafelis ngunit nahirapan silang matunton ito dahil nagsara na ang kanyang agency.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.