Nagbabala ang Japan Self-Defense Forces (JSDF) sa mga implikasyong maaaring maidulot ng militarisasyon ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Sa ulat na ibinahagi ng JSDF sa mga mamamahayag sa Tokyo, sinabi nitong ang militarisasyon ng China ay maaaring magpalawig sa intelligence, surveillance and reconnaissance (ISR) capabilities ng Beijing sa Spratlys.
Ang mga pagbabagong ito ay maaari anilang magkaroon ng malaking epekto sa coastal states at maging sa sea lanes sa rehiyon.
Matatandaang lumabas sa ulat ng Inquirer kamakailan na patapos na ang mga isinasagawang reclamation sa pinag-aagawang teritoryo.
Ayon sa JSDF, pinakanakababahala ang military build-up sa Panganiban (Mischief) Reef, Zamora (Subi) Reef, at Kagitingan (Fiery Cross).
Bumuo ng 3,000-meter runways ang China at port facilities na maaaring magpalakas sa air and naval forces ng bansa kabilang ang pagdedeploy ng aerial platforsms tulad ng fighters,bombers at aerial vehicles na hindi na kailangan pang sakyan ng tao.
Iginiit din ng JSDF na ang mga bases na ito ay maaari ring magresulta upang magkaroon ng ‘submarine nuclear deterrence patrols’ ang China hindi lamang sa South China Sea kundi maging sa Western Pacific.
Sakaling madomina ng China ang South China Sea ay magiging madali para sa naturang bansa na magkaroon ng ‘access’ sa Pacific sa pamamagitan ng Bashi Channel, ang tubig na naghihiwalay sa Batanes sa pinakadulong pulo sa Hilaga ng Pilipinas.