Inilabas ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang guidelines sa total deployment ban ng Overseas Filipino Workers sa Kuwait.
Sa Administrative Order No. 54A, sakop ng total deployment ban ang lahat ng uri ng manggagawa magtatrabaho sa Kuwait sa kauna-unahang pagkakataon.
Nilinaw ng Department of Labor and Employment na hindi sakop ng deployment ban ang mga “Balik-Manggagawa”.
Ito ay ang OFWs na nagbabakasyon sa bansa at babalik sa kanilang employer para tapusin ang kanilang kontrata, at OFWs na magbabalik sa dating employer sa Kuwait sa ilalim ng panibagong kontrata.
Papayagan din ang mga mandaragat o seafarers na mga Pilipino na dadaan o sasakay sa Kuwait para sumama sa kanilang principals o employers.
Dadaan naman sa counter-checking process ng Overseas Workers Welfare Administration ang Overseas Employment Certificate ng Balik-Manggagawa na hindi sakop ng ban para masiguro ang kanilang seguridad at kapakanan sa Kuwait.