“Walang kakapusan ng suplay ng bigas sa bansa”.
Ayon sa Department of Agriculture (DA) sapat ang suplay ng bigas sa Pilipinas pero hindi ito nakakarating sa publiko.
Katunayan ayon sa DA, sa datos ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ang buffer stock ng bigas sa bansa ay sapat para mapakain ang mga Filipino sa susunod na 92 araw.
Sinabi ni DA Sec. Manny Piñol na may mga retailers na nabibigyang prayoridad ng National Food Authority (NFA) at sa kanila lamang ibinebenta ang suplay ng bigas.
Maganda sana aniya ang intensyon ng NFA pero pagdating sa baba o sa mga regional office nito, may mga napapaburang rice retailers at iyon lamang ang binibigyan ng alokasyon.
Sa ilalim ng nasabing taktika na ayon kay Piñol ay ginagawa sa ilang NFA offices, ibinebenta ang NFA rice sa mga piling retailers sa halip na sa accredited wholesalers.
Ang nasabing NFA rice naman ay ire-repack ng mga retailers at saka ibebenta sa merkado bilang commercial rice sa mas mahal na halaga.