Isiniwalat ni University of the Philippines College of Law and Director of the UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea Dr. Jay Batongbacal sa pamamagitan ng isang Facebook post na matagumpay na nakapagpangalan ang China sa limang undersea features ng Philippine Rise.
Ayon kay Batongbacal, naaprubahan noong 2017 ng International Hydrographic Organization ang mga pangalan na iminungkahi ng China para sa undersea features.
Taong 2014 at 2016 nang magsumite ang Beijing ng mga pangalan para sa nasabing mga undersea features.
Tatlo dito ayon sa maritime expert ay nadiskubre noong 2004 sa maritime survey ni Li Siguang Hao ng China Navy Hydrographic Office at ang mga pangalan ay isinumite noong 2014.
Ang dalawang huli naman ay nadiskubre rin sa kaparehong survey ngunit iminungkahi ang mga pangalan nito ng China Ocean Minerals R and D Association nito lamang 2016.
Sa ngayon ang mga features ay kinikilala na bilang ‘Jinghao’ at ‘Tianbao’ Seamounts na nasa 70 nautical miles sa Silangan ng lalawigan ng Cagayan.
Ang isa ay may pangalang ‘Haidonquing Seamount’ na matatagpuan sa layong 190 nautical miles sa Silangan.
Habang ang dalawa naman ay tinatawag na ‘Cuiqiao Hill’ at ‘Jujiu Seamount’ na nasa Central Peaks ng Philippine Rise.
Iginiit ni Batongbacal na maaaring dahilan din ng isinagawang research ng China noong Enero ay upang magpangalan pa ng iba pang features ng Philippine Rise.
Anya, maaari itong isang istratehiya ng China upang maipakita ang ‘maritime power; nito. / Rhommel Balasbas
Excerpt: Naaprubahan noong 2017 ng IHO ang mga pangalan na iminungkahi ng China.