5 iniwang patay ng bagyong ‘Basyang’ sa Surigao del Sur

 

Erwin Mascariñas/Inquirer Mindanao

Lima na ang patay dahil sa pagbaha at landslide na idinulot ng bagyong Basyang sa lalawigan ng Surigao Del Sur.

Ayon sa lokal na pamahalaan, tatlo sa mga nasawi ay mga kabataan na natabunan ng putik at lupa nang gumuho ang gilid ng bundok sa bayan ng Carrascal.

Kinilala ng Office of Civil Defense-Caraga ang mga nasawing biktima na sina Irene Lamela Benguilo, 25-anyos at mga anak nito na sina AJ, 6 na taong gulang, at MJ, 3-taong gulang.

Ang mga biktima ay pawang mga residente ng Bgy. Gamuton, sa bayan ng Carrascal.

Samantala, sa barangay Babuyan, nasawi rin sa landslide ang sampung taong gulang na si Jay Conjurado, samantalang hindi pa nakikilala ang isa pang biktima.

Bukod sa limang nasawi, tatlo pang residente ng naturang lugar ang nasaktan dulot pa rin ng mga landslide.

Bago pa man maglandfall ang naturang bagyo, ilang oras nang nakaranas ng matinding pag-ulan ang lalawigan ng Surigao Del Sur.

Dahil dito, gumuho ang lupa sa barangay Gamuton at Babuyan, at natabunan ang tahanan ng ilang pamilya.

Read more...