Colmenares inendorso nina Erap at Sen. Poe para sa Senado

colmenares
Inquirer file photo

Dinagsa ng mga taga-suporta ng Makabayan Bloc sa Kamara ang 3rd National Convention ng grupo kasabay ng deklarasyon sa pagtakbo bilang Senador ni Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares sa San Andres Sports Complex sa Malate,Maynila.

Nagmistula tuloy na malaking political rally ang pagtitipon na napuno rin ng mga placards at karatula. Nagsilbi rin itong reunion sa panig ng mga militanteng grupo na noo’y nanawagan sa pagbaba sa puwesto ni dating pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada.

Naging tampok sa pagtitipon ang pag-endorso ni Estrada at Senator Grace Poe kay Colmenares bilang kandidato sa pagka-senador sa halalan 2016.

Ayon kay Erap, si Colmenares ang kauna-unahang kandidato sa pagka-senador na kanyang inendorso dahil naniniwala siya sa kakayahan nito at sa pagtatanggol ng mga karapatan ng mamamayang Pilipino sa murang singil sa kuryente at tubig.

Ang Makabayan political coalition ay binubuo ng labing-dalawang progresibong grupo sa bansa.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Colmenares na pangunahin sa kanyang mga isusulong sakaling palarin sa Senado ay ang mga batas na magtutulak sa karapatan ng mga ordinaryong mamamayan tulad ng edukasyon at maayos na hanap-buhay.

Read more...