Pagpapaka-“Poncio Pilato” ni Assoc. Justice Peralta, binanatan ng kampo ni Sereno

Nanindigan ang kampo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na natugunan niya ang lahat ng rekisito ng Judicial and Bar Council (JBC) noong 2012.

Dahil dito, binanatan nila ang anila’y pagmimistulang “Poncio Pilato” ni Supreme Court Associate Justice Dioasdado Peralta kaugnay ng pag-apruba niya sa aplikasyon noon ni Sereno para maging punong mahistrado.

Ayon sa tagapagsalita ni Sereno na si Jojo Lacanilao, malinaw sa kanila na gustong maghugas-kamay ni Justice Peralta tungkol sa kaalaman niya kung paano nakapasok sa JBC shortlist si Sereno.

Ani pa Lacanilao, mahirap sabihin na hindi alam ni peralta ang mga pangyayari noon dahil may kasulatang isinumite sa Malacañang kung saan siya nakalagda.

Sa pagdinig kasi ng House justice committe sa impeachment complaint kay Sereno, binatikos ni Peralta ang punong mahistrado sa hindi nito pagsusumite ng kaniyang kumpletong statement of assets, liabilities and net worth (SALN), pati na iyong noong siya pa ay propersor sa University of the Philippines.

Ani pa Peralta, kung alam lang niya ang isyu sa SALN ni Sereno noon ay malamang na kinontra niya ang pagkakasama nito sa shortlist ng Chief Justice nominees na isinumite niya noon kay dating Pangulong Noynoy Aquino bilang dating acting chair ng JBC.

Giit ni Lacanilao, nagsumite si Sereno ng tatlong SALN mula sa kaniyang pagkakatalaga bilang SC Associate Justice noong 2010.

Dagdag pa niya, sa punto pa lang na naisama si Sereno sa shortlist, ay nangangahulugang nakita ng mga miyembro ng JBC, kabilang na si Peralta, na kumpleto at nakasunod sa mga alituntunin ang mga dokumentong ipinasa ni Sereno.

Humiling naman ng delicadeza si Lacanilao kay Peralta na umaming nadismaya sa hindi pagsama ni Sereno sa kaniyang misis na si Court of Appeals (CA) Associate Justice Audrey Peralta sa shortlist ng mga nominado para maging CA Presiding Justice.

Panawagan ni Lacanilao, huwag ihalo ni Peralta ang personal niyang isyu sa kaniyang mga testimonya sa Kamara.

Read more...