Aquino, Garin at Abad kinasuhan ng homicide dahil sa Dengvaxia

Inquirer file photo

Pormal nang sinampahan ng kaso sa Department of Justice sina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Health Sec. Janette Garin, dating Budget Sec. Butch Abad at ilan pang personalidad kaugnay sa Dengvaxia controversy.

Mga kasong multiple homicide and physical injuries through criminal negligence, graft, technical malversation at violation ng procurement law ang mga kasong isinampa ng Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) at Vanguard of the Philippine Constitution Incorporated (VPCI) laban sa grupo ni Aquino.

Kasama rin sa mga kinasuhan ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng Sanofi Pasteur na siyang tagagawa ng Dengvaxia at Zuellig Pharma na siya namang distributor sa bansa ng nasabing bakuna.

Sinabi ng VACC at VPCI na dapat managot ang mga respondents sa kaso sa pagkamatay ng ilang mga kabataan na nabakunahan ng Dengvaxia.

Nakatakda ring magsampa ng kasong plunder si VACC legal counsel Ferdinand Topacio laban kina Aquino, Garin at Abad.

Sa kanilang reklamo, sinabi ng VACC at VPCI na ginawang mga guinea pig ang ilang mga kabataan makaraang subukan sa kanila ang bisa ng Dengvaxia laban sa sakit na dengue na nagresulta sa kanilang pagkakasakit at pagkamatay.

Malinaw rin umano na minadali ang paglalabas ng pondo para sa bakuna dahil nalalapit na ang araw ng eleksyon noong pagtibayin ang budget nito dahil sa impluwensiya ng pangulo.

Sa kabuuan ay umaabot sa P3.5 Billion ang ginastos ng pamahalaan para sa Dengvaxia.

Read more...