Kuwestyunable para House Deputy Speaker at Cebu Rep. Gwen Garcia ang timing ng pagsibak sa kanya ng Office of the Ombudsman.
Ayon kay Garcia, inilabas ang desisyon ng Ombudsman sa kasagsagan ng pagdinig sa impeachment laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno kung saan aktibo itong nakikibahagi sa pagsisiyasat.
Hinala ng mambabatas, na-single out siya sa lahat ng mga akusado sa kaso kaugnay ng pagbili ng Cebu government ng Balili property at inilabas pa ang dismissal order sa gitna ng kanyang pagpupursige ng mahahalagang punto sa impeachment hearing.
sa kabila nito, sinabi ni Garcia na tuloy pa rin ang kanyang trabaho bilang kongresista dahil ito ang mandato sa kanya ng mga mamayan ng ikatlong distrito ng Cebu at pagpupursige sa impeachment hearing kontra Sereno.
Ipauubaya rin ng mambabatas sa pamunuan ng Kamara kung ipapatupad ang dismissal order ng Office of the Ombudsman laban sa kanya.
Bahala na anya si House Speaker Pantaleon Alvarez kung susundin ang pagsibak sa kanya.