Hindi pa masabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na kanilang papayagan na makabalik sa Kuwait ang mga tinatawag na “Balik-Manggagawa” o mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naka-bakasyon dito sa Pilipinas at mayroon pang existing na kontrata sa nasabing bansa.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na ang total ban na ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kuwait ay hindi lang limitado sa mga household service workers kundi maging sa mga skilled workers.
Ibig sabihin, ang mga HSWs at skilled workers na patungong Kuwait ay hindi na papayagang makaalis ng bansa.
Ang mga skilled workers naman na nasa Kuwait pa ngayon at maayos ang kondisyon at walang kahit na anong problema sa kanilang employers ay maaring manatili ani Bello.
“Kaya total ban na ang utos ng pangulo hindi lang ito limited sa household service workers, kasama dito sa ban ang skilled workers. Ang mga skilled workers na nandoon ngayon na ok naman ang kanilang kalagayan they can stay,” dagdag pa ni Bello.
Ang hindi pa matiyak sa ngayon ng DOLE ay kung papaano ang magiging sitwasyon ng mga “Balik-Manggagawa”.
Ayon kay Bello, madami kasing “Balik-Manggagawa” ay peke o hindi naman totoong may existing na kontrata.
Sa ngayon ani Bello, pag-aaralan munang mabuti ng DOLE kung ano ang dapat na gawin sa mga “Balik-Manggagawa” dahil kinakailangang matiyak na sila ay lehitimo at hindi peke ang kontrata o hindi biktima ng illegal recruitment.