Pilipinas at Hungary, palalakasin ang kalakalan at economic cooperation
Gaganapin ang isang Joint Committee on Economic and Trade Cooperation (JCTEC) sa Setyembre sa pagitan ng Pilipinas at Hungary ayon kay Trade and Industry Secretary Ramon Lopez.
Layon ng JCTEC na mapalawig ang pamumuhunan, bilateral trade at economic cooperation ng dalawang bansa.
Noong March 2017 nilagdaan ang Philippine-Hungarian Economic Cooperation Agreement na siyang dahilan ng pagkakabuo ng JCTEC.
Sinabi ni Lopez na hinikayat niya ang mga negosyanteng Hungarian na mamuhunan sa Pilipinas at gawin itong manufacturing hub sa kabuaan ng Association of Southeast Asian Nations sa kanyang pagtungo doon para sa isang trade mission.
Sa naturang misyon ay nakapulong niya sina Hungarian Minister of Foreign Affairs and Trade Peter Szijjarto at Deputy Speaker of the Hungarian Parliament Istvan Jacab.
Sa mga bilateral meetings na naganap sa Hungary ay sinabi ng opisyal na hinikayat niya ang naturang bansa tungkol sa mga agri-based products ng Pilipinas tulad ng magga, niyog, saging at iba pa.
Iginiit din ng kalihim na mas tumibay pa ang relasyon ng Hungary at Pilipinas sa muling pagbubukas ng embahada nito sa Maynila noong nakaraang taon.
Anya, maaaring maging daan din ng Pilipinas ang Hungary na miyembro ng European Union (EU) para mapaganda ang ugnayan nito sa organisasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.