Pagbuo sa People Power Freedom Learning Center, ipinanawagan ni dating Pangulong FVR
Iminungkahi ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang pagbuo sa isang People Power Freedom Learning Center (PPFLC) upang muling maipadama ang damdaming makabayan ng mga Filipino.
Labing-isang araw bago ang ika-32 anibersaryo ng EDSA Revolution I sa February 22, ay ipinawagan ito ni Ramos sa pamamagitan ng kanyang column sa isang pahayagan.
Matatandaang malaki ang naging papel ng dating pangulo sa makasaysayang pangyayari na tumapos sa diktadurya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Nais ni Ramos na mapalawig ang kaalaman ng mga Filipino partikular ng mga kabataan sa legasiya na iniwan ng EDSA sa pamamagitan ng mga memorabilia, lathalain at historical artifacts sa iisang lokasyon – ito ang PPFLC.
Ayon sa dating presidente, kung mapapahalagahan lamang nang tunay at maisasabuhay ang mga aral para lamang maging malaya ang Pilipinas sa pagmamalabis, ay hindi malayong maging huwaran ang bansa ng iba pang mga lugar na nakararanas ng madugo at marahas na kaguluhan sa ngayon.
Samantala, sa selebrasyon ng anibersaryo ng EDSA People Power ay ilang mga aktibidad ang gaganapin sa pangunguna ng EPPC at National Historical Commission of the Philippines.
Kabilang dito ang photo exhibit ng beteranong photo-journalist na si Sonny Camarillo ukol sa EDSA anniversary sa Trinoma sa Quezon City.
May misa namang gaganapin sa February 24 sa EDSA Shrine sa Mandaluyong at sa February 25 sa EDSA Monument sa pangunguna ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Ang iminungkahing tema para sa anibersaryo ng EDSA revolution para sa taong ito ay ‘EDSA 2018: Effecting Change Towards Strengthened Democracy.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.