Hiwaga ng LTO at ang mga Nawawalang Lisensiya at Plate Number
Nung nakaraang Marso nagkagulo sa Metro Manila ng ihayag ng Land Transportation Office o LTO na hindi nila papayagang lumakbay ang mga sasakyang walang plaka o Plate Number. Masyado na daw silang matagal na nagpapaubaya at panahon na para sitahin ang mga motoristang hindi sumusunod sa batas.
Eksakto namang Semana Santa ng ideklara ito ng LTO kaya nagkagulo lahat ng mga may balak bumiyahe palabas ng Kalakhang Maynila. Mabilis na nilusob ng mga may kotseng walang plaka ang kanilang auto dealer upang hingin ang kanilang registration plates.
Pero karamihan ay walang nahita, dahil walang plaka sa mga dealer. Hindi pa daw sila pinadadalhan ng mga plaka ng LTO. Sabi naman ng LTO, kasalanan ng dealer ito dahil dapat kinukuha sa LTO ang plaka nila.
Ang nadiskubre ko, may mga tauhan pala ang LTO na humihingi ng dagdag na bayad para “mapabilis” daw ang labas ng mga plaka kahit talagang nandun na ang mga ito. Pag tumutol ang dealer, ibibitin ng LTO agent ang release ng plaka nila.
Ngayon malapit na ulit maubos ang ipinagawang plaka ng LTO pero ang lakas pa din ng benta ng kotse sa bansa. Hindi magtatagal, mawawalan ulit ng supply ang LTO ng plaka at madami ulit kotse ang hindi mabibigyan.
Para sa isang administrasyong nangako ng pag-unlad, ang ginagawa ng LTO ay nagpapaatras sa takbo ng negosyo ng automotive sa bansa.
Isang industriya na bumubuhay sa isang buong estado sa Amerika tulad ng Michigan ang automotive industry. Daang libo ang binibigyan nito ng trabaho mula engineer hanggang tagapunas ng kotse para kumintab. Bakit dito sa atin parang walang interes ang pamahalaan na ayusin ito.
Eto pa kamo – noong nakaraang taon, nag-pa-renew ng drivers license ang tsuper ng kapatid ko. Mabilis ang proseso simula noong maging automated ang system nila. Isang oras lang, renewed na ang lisensiya ni Kuya.
Kaya lang, wala pa daw supply ng plastic card para sa lisensiya niya. Inabutan siya ng resibo at tinatakan ng “Valid for 5 months” at balikan daw makaraan ang limang buwan. Binalikan after 5 months, wala pa ding plastic card. Binalikan last week wala pa din daw supply ng card.
Akala ko kay Kuya driver lang ito. Kaso mo, may lumapit sa akin kahapon at nagsumbong na mapapaso na daw sa darating na September yung lisensiya niya, wala pa ding plastic card!
Eh nakapagbayad na sila ng renewal fee at kasama dito yung bayad sa plastic card. Pag nag-renew siya sa September babayaran niya ulit yung bagong plastic card diba? Kung ganun, saan napunta yung bayad sa naunang plastic card?
Kung may 10 milyong driver sa bansa at 2 milyon ang hindi nabigyan ng plastic card at ang isang plastic card ay may halagang 10 piso bawat isa, saan napunta yung ibinayad na P20,000,000.00??? At ito ay halimbawa lamang po.
Meron ata kumakain ng plate number at drivers license plastic card sa LTO at himalang nawawala ang mga ito ano? Bumilis nga ang proseso ng renewal sa LTO pero hindi ito kumpleto.