ISALBA ANG BORACAY SA AMOY AT BASURA! sa “Wag Kang Pikon” ni Jake Maderazo

By Jake Maderazo February 11, 2018 - 11:54 AM

Inquirer file photo

Anim na buwan ang taning ni Pres. Duterte sa Boracay Island upang ayusin ang maamoy na problema ng “sewerage” doon, sa ngayon, dalawang tourist spots ang dinadayo, ang White beach sa Western side na punung-puno ng mga hotels, at sa Eastern Side ang “kite at surfing area” naman ay ang Bulabog Beach.

Merong 200 establishments ang natuklasan ng DOT na lumalabag sa batas kabilang ang paglalabas ng kanilang “sewage” sa mga storm canals ng isla. Labindalawang kumpanya kabilang ang dalawang hotels ang natuklasang inilalabas ang kanilang dumi hindi sa dalawang wastewater treatment companies doon na “Boracay Island water company” at “Boracay Tubi system inc” kundi sa “rainwater drainage pipes” ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA). Kasama na sa problema ang 47,000 residente doon na deretso rin sa kanal ang kanilang “sewerage”.

Resulta nito, ang maduduming tubig ay bumabagsak sa eastern side o sa Sitio Bulabog ng Boracay na ngayo’y may amoy, mapanghi at madumi nang “beach”. Noong 2015, umabot na sa 47,460 mpn/100ml ang “coliform bacteria level” doon. Ang safe level para sa paglangoy at iba pang human contact levels sa dagat ay nasa 1,000 mpn/100ml lamang.  Maging ang tubig sa White Beach ay malapit na ring mawala sa “safe level” dahil ito’y nasa 942 mpn/100ml o kulang ng 58 points at lampas na ito.

Ang ‘green algae’ sa White Beach ay dahil daw sa “untreated water“ ayon sa 5-year study ng JICA. Pero sabi ng mga oldtimer doon, “natural” daw ang “algae” tuwing “summer” at ito ang nagpapaputi sa malapulbos na beach doon. Sabi naman ng mga eksperto, walang kinalaman ang “algae” sa pagputi at pagpino ng “corals kundi ito’y “wastewater”. Ang mga estadistikang ito ay tatlong taon na ang nakakaraan at mas lalong lumubha ngayon.

Nitong 2017, ang Boracay ang Best Island in the world ng International Travel Magazine na “Conde Nast”. Umabot ng 1.7M tourists ang bumisita sa Boracay noong 2016 gayong ang sukat nito’y 10 sq.kms.  lamang o mas maliit ng konti sa bayan ng Navotas at doble kung ikukumpara sa bayan ng San Juan.

Tingnan ninyo, may 300 hotels, 107 restoran at bar, 34 na coffee shops at internet cafes, pumpboat rentals atbp doon na nagpapasok ng P27B tourism revenues. Lahat ito mawawala kapag hindi inaksyunan ng mga otoridad. Noong panahon ni Pnoy, merong Presidential Task force sa pamamagitan ng DOT, DENR at ang alkalde ng Malay, Aklan pero walang nangyari bukod pa sa naging mas malala ang polusyon.

Nagrekomenda ng panibagong EO para palakasin ang Task force itong sina Tourism Sec. Teo at DENR Sec. Cimatu noong Lunes, pero ni-reject ng Pangulo. Ang gusto ni Duterte, ipatupad muna agad agad ang mga “environmental laws “, parusahan ang mga establishments na lumabag, kasama ang mga dating opisyal  (national o lokal ) na nagbigay ng mga “illegal permits”.

Anim na buwan ito, kulang na kulang, pero dapat lang gawin ngayon dahil masyado nang nabalahura ang mga batas diyan sa Boracay at namayagpag ang “big tourism money”.

Napapanahon ito bago maging malaking basurahan ang super gandang isla ng Boracay.

TAGS: boracay, DENR, dot, sewerage, turismo, boracay, DENR, dot, sewerage, turismo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.