PAL susundo na rin ng mga OFWs sa Kuwait
Handa na rin ang Philippine Airlines (PAL) na magpadala ng ilang mga eroplano sa Kuwait para sunduin ang mga overseas Filipino workers (OFW) na gusto nang makauwi ng bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng PAL na bukod sa mga special flights ay isinasakay na rin nila ang mga Pilipinong umuuwi sa bansa sa pamamagitan ng kanilang apat kada linggo na Kuwait-Manila regular flights nitong mga nakalipas na buwan.
Ayon pa dito, marami na ring mga OFWs ang nakapagreserba na ng mga upuan sa naturang mga regular flights para makauwi ng bansa.
Ang hakbang ng PAL ay kasunod ng kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumulong na rin ang mga local airlines sa repatriation ng mga OFW. Matapos ito ng sunod-sunod na report tungkol sa mga nagpapakamatay na mga Pinoy sa Kuwait.
Noong Biyernes din nang ipagutos ng pangulo kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na dapat ay masimulan na ang repatriation o ang pagpapauwi sa mga OFW sa loob ng 72 oras.
Ayon naman sa Department of Foreign Affiars (DFA), mahigit 800 undocumented OFWs sa Kuwait ang inaasahang makakauwi na ng bansa sa darating na linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.