Isang bilateral agreement ang nakatakdang pirmahan ng Pilipinas at China na naglalayong magbigay ng trabaho para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sinabi ni Labor Sec. Sylvestre Bello III na ito ang magiging sagot sa deployment ban na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga manggagawa sa Kuwait.
Laman ng kasunduan ang pagbubukas ng China ng kanilang pintuan para sa mga manggagawang Pinoy.
Noon pa sana nalagdaan ang nasabing kasunduan bilang bahagi ng sideline meetings sa ginanap na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa bansa.
Pero sinabi ni Bello na humingi ng palugit ang China para pag-aralan ang nasabing panukala.
Kamakailan ay magugunitang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang total ban sa deployment ng mga manggagawang Pinoy sa Kuwait dahil sa sunud-sunod na kaso ng pagkamatay ng ilang mga OFWs sa nasabing bansa.