Bangko sa Quezon City, nilooban ng mga magnanakaw

Napigilan ng mga pulis ang panloloob ng mga kawatan sa Diliman branch ng Bank of Commerce sa Masaya St., cor. Commonwealth Avenue sa Brgy. Old Capitol, Quezon City.

Dalawang persons of interest ang hawak ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) Station 9, na pinaghihinalaang kasama sa mga nanloob sa naturang bangko.

Walang gwardya ang naturang bangko, pero mayroon itong alarm system na tumunog nang makapasok ang mga kawatan, kaya naalarma ang mga nasa kanilang head office.

Dito na nakatanggap ng tawag ang QCPD Station 9 mula sa Bank of Commerce pasado alas-3:00 ng madaling araw, na agad nilang nirespondehan.

Ayon kay Station 9 commander Supt. Alex Alberto, pagdating ng kaniyang mga tauhan ay may mga nadatnan pa silang nagpulasang mga tao mula sa bangko na nakarinig sa kanilang pagdating.

Dahil dito, nakipaghabulan pa sa mga ito ang mga pulis sa kalsada at dalawa sa mga persons of interest ang kanilang naimbitahan sa presinto para maimbestigahan.

Paliwanag ni Alberto, binutasan ng mga kawatan ang pader ng bangko na kakasya ang isang tao.

Nadatnan din nilang sira ang kisame ng bangko dahil tinangka ng mga magnanakaw na sirain ang alarm system at ang CCTV nito.

Dahil sa mabilis na pag-responde ng mga pulis, tanging ang vault na naglalaman lang ng mga dokumento at papeles ang nabuksan ng mga suspek, at wala naman silang natangay na pera dahil hindi pa nabubuksan ang cash vault.

Sa ngayon ay patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga kawatan sa pamamagitan ng kuha ng CCTV at mga fingerprints.

Ipinagtataka rin ng mga pulis kung paano nagawang butasin ng mga suspek ang pader gayong ayon kay Alberto ay makapal ang pagkakagawa dito.

Pinuri naman ni Alberto ang gamit na security system ng bangko dahil kahit na walang security guard na nagbabantay ay agad silang naalarma sa pagpasok ng mga magnanakaw dahilan para mabilis na matimbrehan ang mga pulis.

 

Read more...