Pamilya ng nasawing OFW sa Taiwan quake, makatatanggap ng tulong mula sa gobyerno

Makatatanggap ng tulong mula sa gobyerno ng Pilipinas at maging ng Taiwan ang pamilya ng Pinay caretaker na nasawi sa magnitude 6.4 na lindol sa Taiwan.

Ito ang ipinahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III kahit na hindi aktibong miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pinay Overseas Filipino Worker (OFW) na si Melody Albano Castro.

Ayon sa kalihim, makatatanggap ang pamilya ni Castro ng death benefits na nagkakahalaga ng P200,000 at livelihood assistance namang may halagang P50,000.

Sakaling may anak din ang biktima ay mayroon itong matatanggap na scholarship assistance mula sa OWWA na may halagang P10,000 kada taon kung ito ay nasa elementarya, P15,000 kada taon kung nasa highschool at P20,000 naman kada taon kung nasa kolehiyo ito.

Bukod dito, sinabi rin ni Bello na makakakuha ng ‘incompulsary insurance’ ang pamilya na nagkakahalaga ng 15,000 Taiwan dollars, habang may 500,000 Taiwan dollars pang insurance ang sagot naman ng kanyang Japanese employer.

May 100,000 Taiwan dollars ding ibibigay ang lokal na pamahalaan ng Hualien kung saan nasawi si Castro sa pagyanig.

Kasunod nito, nanawagan pa rin si Bello sa mga OFWs na siguruhing aktibo ang enrolment ng mga ito sa OWWA upang makatanggap sila ng full assistance mula sa gobyerno sakaling may mangyaring hindi kanais-nais.

Read more...