“Hindi alipin ang mga Pilipino” – Duterte sa Kuwait

Lalong nagkaroon ng dahilan si Pangulong Rodrigo Duterte para hindi alisin ang ipinataw niyang deployment ban sa mga overseas Filipino workers (OFW) sa Kuwait.

Ito’y matapos madiskubre ang bangkay ng OFW na si Joanna Daniela Dimapilis, na mahigit isang taon nang nakasilid sa freezer ng kaniyang mga dayuhang amo sa Kuwait.

Ayon kay Pangulong Duterte, dahil sa dami ng mga naitatalang pagkamatay at pang-aabuso sa mga OFW sa Kuwait, hindi aalisin ng pamahalaan ang deployment ban sa nasabing bansa.

Kung ito aniya ang kinakailangan, magpapatuloy ang deployment ban at hindi niya alam kung hanggang kailan ito magtatagal.

Tanong ng pangulo, kailan ba matatapos ang hindi makataong pag-trato at ang paglapastangan sa dignidad ng mga Pilipino sa Kuwait.

“When will this inhuman treatment of Filipinos end? When will the upliftment of their human dignity begin,” ani Duterte.

Giit ni Duterte, maayos at masiglang ipinapadala sa Kuwait ang mga Pilipino upang makapagtrabaho, ngunit ang pinapauwi na lamang sa bansa ay pawang mga lasog-lasog na bangkay ng mga OFW.

Tahasang sinabi ng pangulo na hindi alipin ng ninuman ang mga Pilipino saan mang lugar ito mapadpad.

“The Filipino is no slave to anyone anywhere and everywhere,” giit ng pangulo.

Babala ni Duterte, ang bawat pananakit sa mga Pilipino ay itinuturing niyang pag-atake sa Pilipinas.

Ipinagtataka rin ng pangulo kung may problema ba sa pag-uugali o kultura sa mga Arab countries para magawa ng mga ito ang pangmamaltrato sa mga Pilipino.

“If I were to do it to your citizens, would you be happy?” tanong ni Duterte sa mga taga-Kuwait.

Read more...