Nahaharap sa panibagong kontrobersiya si PBA player Mark “Macmac” Cardona makaraang magsanla umano ng ng isang SUV na naka-alerto sa Philippine National Police’s Highway Patrol Group (PNP-HPG) bilang nakaw na sasakyan.
Ayon kay Senior Inspector Carol Jabagat, PNP-HPG spokesperson, kasong estafa ang isinampa nila laban kay Cardona na ang buong pangalan ay Mark Reynan Mikessel Cardona sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Isinanla umano ni Cardona ang isang Subaru Forester na may plate number NIR-780 sa halagang P300,000 sa biktimang si Michelle Bautista Flores, 32 anyos ng Pasig City noong November 13, 2017.
Idinahilan umano ni Cardona na kailangang-kailangan niya ng pera upang mabayaran ang kaniyang utang at tutubusin din niya agad ang sasakyan ng November 30.
Pero nang dumating ang ipinangakong petsa, bigo si Cardona na bayaran si Flores. Nang humihingi na si Flores ng orihinal na kopya ng registration paper ng sasakyan, bigo ang manlalaro na maibigay ito.
Doon na nagpasya ang biktima na i-verify sa Land Transportation Office (LTO) ang status ng sasakyan at doon niya nalaman na ito ay naka-alarma sa PNP-HPG.
Ayon kay Jabagat sa rekord ng PNP-HPG, ang SUV na isinanla ni Cardona ay iniulat na ninakaw noong September 14, 2017.
Naisurender na ni Flores ang sasakyan sa PNP-HPG.
Si Cardona ay naglaro sa Talk ‘N Text Tropang Texters, Meralco Bolts, Air 21 Express, NLEX Road Warriors, at ang huli ay sa Global Port Batang Pier noong 2017.