Retiradong sundalo binaril at napatay ang sariling anak sa Pangasinan
Napatay ng isang retiradong sundalo ang kaniyang sariling anak sa bayan ng Binalonan sa lalawigan ng Pangasinan.
Agad nasawi si Aurelio Asimba, 34 anyos at isang magsasaka, matapos magtamo ng tatlong tama ng bala sa kaniyang dibdib.
Si Asimba ay binarily ng kaniyang sariling ama na si Manuel Asimba, 66 anyos matapos silang magtalo.
Ayon kay Binalonan police Deputy Chief Sr. Insp. Rommel Sembrano, naganap ang insidente sa Barangay Mangcasuy.
Nakainom umano ang nakababatang Asimba nang makasagutan niya ang kaniyang ama na isang retiradong sundalo ng Philippine Army.
Ani Sembrano, tuwing nakakainom ang nakababatang Asimba ay nagtutungo ito sa bahay ng kaniyang magulang, nagwawala at hinahamon ng suntukan ang kaniyang ama.
Posibleng sa pagkakataong ito, napuno na ang nakatatandang Asimba kaya kinuha nito ang kaniyang kalibre 45 na baril at saka pinaputukan ng ilang beses ang anak.
Agad na nadakip ang suspek matapos ang insidente at nakatakdang ipagharap ng kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.