Nag-ikot muli sa buong Metro Manila si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Chief Superintendent Oscar Albayalde simula Huwebes ng gabi hanggang Biyernes ng madaling araw.
Ito ay upang tingnan kung mayroon bang mga pulis na natutulog o nag-iinom habang nasa duty.
Kasunod ito ng nagdaang insidente kung saan naaktuhan ni Albayalde na natutulog ang ilang mga pulis-Pasay at nag-iinom naman ang ilang pulis sa Muntinlupa.
Sa kanyang pag-iikot ay naabutan ni Albayalde ang apat na pulis ng Police Community Precinct 1 sa Quezon City na natutulog, dahilan upang sibakin ang mga ito sa tungkulin.
Ani Albayalde, posible ring madamay ang mga PCP commaander dahil sa pagtulog ng kanilang mga pulis. Kaya naman bibigyan niya ng pagkakataon ang mga PCP commander na magpaliwanag kung talaga bang hinahayaan lamang nila na matulog ang kanilang mga tauhan.
Bukod sa pag-check kung gising ba ang mga pulis ay inaalam rin ni Albayalde ang response time ng mga pulis upang malaman kung paano pa ito mapapabuti.
Kabilang sa mga binisitang himpilan ng pulis ay ang Eastern Police District sa Pasig City, Marikina City Police, at Caloocan City Police.