Siyam katao arestado sa magkakahiwalay na drug operation sa Parañaque, Maynila at Quezon City

Kuha ni Justinne Punsalang

Tatlong buy bust operation ang naitala sa Quezon City sa magdamag, habang isa naman na drug operation ang isinagawa sa Maynila, at isa rin sa Parañaque.

Sa kabuuan, siyam na katao ang arestado sa mga naganap na operasyon.

Unang nagkasa ng buy bust operation ang Quezon City Police District (QCPD) Station 7 sa G. Tuazon, Cubao kung saan naaresto si Caesar Prado at nakumpiska ang anim na maliliit na sachet ng shabu.

Ayon kay Prado, pinilit lamang siya ng isang lalaki na hawakan ang perang pinagbentahan ng droga, maging ang shabu.

Sumunod naman na sinalakay ang isang bahay sa Sta. Cruz, Maynila bisa ng search warrant kung saan nahuli si Ronald Anthony Pamilar na dati nang sumuko sa Oplan Tokhang.

Nasabat ng mga operatiba ng Blumentritt Police Community Precint (PCP) ang 12 sachet ng shabu, 3 bag ng marijuana, at mga drug paraphernalia.

Depensa ni Pamilar, nagtutulak lamang siya dahil sa pangangailangan ng pera.

Halos magkasabay naman ang isinagawang buy bust operation ng QCPD District Drug Enforcement Unit (DDEU) at QCPD Station 7.

Naaresto ng QCPD-DDEU ang maglivein partner na sina Alex Dela Cruz at Ivy Rose Hontiveros sa Barangay St. Peter.

Ayon kay Dela Cruz, gumagamit lamang sila ng droga ngunit giit naman ni Hontiveros, hindi sila gumagamit at nagbebenta lamang ng droga para ipangtustos sa kanilang anak na may sakit.

17 sachet ng shabu na mayroong street value na ₱150,000 ang narekober mula sa mga suspek, bukod pa sa digital weighing scale at iba pang drug paraphernalia.

Samantala, arestado naman sa isang apartelle sa Cubao sina Amara Kim Pangan na dati nang nakulong dahil sa droga, JekJek Roxas, at Jun Angles na kapwa may kasong pagnanakaw.

42 maliliit na pakete ng shabu na may ₱21,000 street value ang narekober mula sa mga suspek.

Samantala, sa Barangay Tambo, Parañaque ay naaresto si Oliver Rico Barba at isang babaeng menor de edad matapos ikasa ng mga otoridad ang isang marijuana buy bust operation.

Magulo ang pahayag ni Barba kung paano niya nakuha ang marijuana at kung ibinibenta ba niya ito. Ngunit umamin naman siya na ginagamit niyang pampakalma ang marijuana.

Lahat ng mga naaresto ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...