2 bata patay sa sunog sa Cavite

 

Nasawi ang dalawang bata sa sunog na tumupok sa kanilang tahanan sa Bacoor, Cavite.

Kinilala ang bangkay ng mga bata na sina Anna Mae Chavez, 6 taong gulang at apat na taong gulang niyang half-brother na si Armando Punto.

Natagpuan ang mga bata sa loob ng kwarto ng kanilang tahanan sa Barangay San Nicolas 2 sa Bacoor.

Natutulog ang dalawang bata kasama ng iba pa nilang mga kapatid at pinsan nang mangyari ang sunog ala-1:00 ng madaling araw na tumagal ng mahigit isang oras bago maapula ng mga bumbero.

Hinihinalang napabayaang kandila ang pinagmulan ng sunog dahil nagtitirik lang umano ng kandila ang mga ito dahil isang taon nang walang kuryente ang nasabing bahay.

Tanging ang 45-taong gulang na tiyahin lang ng mga bata ang kasama ng mga ito, ngunit lumabas ito ng bahay nang ito ay masunog.

Nagawang makalabas ng ilan sa mga bata tulad ng tatlo na lumusot sa bintana, ngunit kalaunan na lang nila napagtanto na hindi nagawang makalabas ng dalawa sa kanila.

Wala ang mga magulang ng mga bata nang mangyari ang sunog at matagal na silang nasa pangangalaga na lang ng kanilang tiyahin.

Read more...