Pilipinas, bibili na lang ng helicopter sa ibang bansa kung ayaw ng Canada

 

Kung ayaw na ng Canada na mag-supply ng military helicopters sa Pilipinas, hahanap na lang ang pamahalaan ng ibang maaring pagkunan nito.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque kaugnay ng pahayag ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau na nasa proseso pa sila ng pagsisiyasat sa kasunduang nilagdaan ng Canada at Pilipinas kaugnay ng pagbili ng helicopters.

May nagtanong kasi kay Trudeau kung mayroon ba siyang ikinababahala kaugnay ng pagbebenta ng helicopters sa Pilipinas, lalo’t may posibilidad umano itong gamitin laban din sa mga Pilipino.

Sinagot naman ito ni Trudeau ng “absolutely.”

Paliwanag ni Trudeau, may malinaw silang patakaran kung kanino at ano ang maari nilang ibentang armas o military vehicles, depende sa kung para saan ito gagamitin ng bibili.

Tinitiyak lang aniya ng Canada na ang papasukin nilang kasunduan ay susunod sa mga “rules and expectations” ng kanilang gobyerno.

Nilinaw naman ni Roque na bibili ng Bell helicopters ang Pilipinas para gamitin ito sa pag-biyahe ng mga tauhan at supplies para sa mga humanitarian missions, pagbiyahe sa mga sugatang sundalo at disaster response.

Matatandaang noong nakaraang taon ay ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sundalo na bibilhan niya ng mga helicopters ang mga ito upang makatulong sa pagsupil sa mga terorista at kalaban ng estado.

Ani Roque, kung hindi bukas ang Canada sa pagbebenta ng helicopters sa Pilipinas ay hahanap na lang ang pamahalaan ng ibang mapagbibilhan.

Read more...