“Hindi naayon at hindi angkop”.
Ito ang reaksiyon ng Department Of Transportation o DOTr sa kilos-protesta na isinagawa ng militanteng grupong Anakbayan laban sa ‘Tanggal bulok-tanggal usok’ operations sa UP Diliman sa Quezon City.
Ang sorpresang operasyon ay isinagawa ng Inter-Agency Council Traffic (I-ACT) matapos makatanggap ng sumbong si DOTr Sec. Arthur Tugade mula sa mga estudyante ng UP na maraming mga kakarag-karag nang jeepney na bumubuga ng maiitim na usok ang bumibiyahe sa UP Campus.
At para matulungan ang mga apektado ng operasyon ay nagpakalat ng solar-powered jeepneys sa lugar para isakay ang mga pasahero sa kanilang destinasyon.
Sinabi ng DOTr na nakalulungkot na bagaman ipinagmamalaki ng Anakbayan ang kanilang hanay bilang progresibong youth organization ay taliwas naman ang kanilang mga aksiyon sa kanilang ipinaglalaban.
Hindi rin umano kumakatawan sa mayorya ng mga kabataan na kanilang kinakatawan ang mga hakbangin ng mga ito.
Aminado naman ang ahensiya na ang kampanya laban sa smoke-belching na mga PUVs ay mahirap pero nararapat na hakbangin.
Ito ay bahagi umano ng PUV modernization program na naglalayong magpatupad ng komprehensibong sistemang pang reporma para sa public transportation industry.
Determinado umano ang DOTr na bigyan ang riding public ng ligtas at komportableng commuting experience.
Tanong ng ahensiya, ayaw ba ng Anakbayan ng mas magandang transportasyon at tutol ba sila sa progreso.