DTI Sec. Lopez at Hyundai kinasuhan ng plunder at technical smuggling
Kinasuhan ng plunder, estafa at technical smuggling ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) si Trade Sec. Ramon Lopez at ang mga opisyal ng Hyundai Asia Resources Incorporated (HARI).
May kinalaman ito sa umano’y pagkalugi ng pamahalaan ng P1.1 Billion na taxes and duties sa pagitan ng September 2016 at May 2017.
Sa kanilang reklamo, sinabi ng VACC na pinayagan ni Lopez na labagin ng HARI ang Motor Vehicle Development Program (MVDP) ng bansa.
Pinayagan umano ng mga opisyal ng DTI na makapagpasok sa bansa ang Hyundai ng mga fully assembled cars na hindi pinapayagan sa nasabing programa.
Sa ilalim ng MVDP ay pinapayagan ang mga car companies na magpasok sa bansa ng mga “completely knocked-down units.
Pero sa ginawang inspeksyon ng Board of Investment sa planta ng Hyundai sa Sta. Rosa, Laguna ay nakita dito ang mga bagong dating na EON at H350 vehicles na buong naipasok sa bansa mula sa South Korea.
Malinaw rin ayon sa report ng BOI na walang kakayahan ang planta ng Hyundai sa Laguna na mag-asemble ng mga sasakyan dahil sa kakulangan ng mga kinakailangang makinarya.
Kaugnay nito ay inutusan ng BOI ang HARI na ibalik sa gobyerno ang nai-waved na P544.6 Million para sa Hyundai EON at P557.7 Million naman para sa Hyundai H350 na bahagi ng value-added tax at Customs duties.
Noong June 30, 2017 ay naghain ng motion for reconsideration of the refund order ang HARO pero ito ay ibinasura ng hukuman noong January 3, 2018.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni VACC legal counsel Ferdinand Topacio na mismong mga empleyado ng BOI ang nagparating ng nasabing reklamo.
Si Sec. Lopez ang tumatayong pinuno ng BOI.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.