Malacañang hindi natinag sa pag-usad ng reklamo ni Trillanes sa ICC
Nakatanggap na ng abiso ang Malacañang na isasalang na sa preliminary examination ang crime against humanity na isinampa ni Senador Antonio Trillanes IV laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court sa The Hague.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa ilalim ng naturang proseso ay bubusisiin ng ICC kung may sapat na batayan ang reklamo para umusad sa preliminary investigation.
Nag-ugat ang reklamo ni Trillanes dahil sa marahas na kampanya kontra sa ilegal na droga ng pangulo kung saan libong katao na umano ang nasawi.
Pero ayon kay Roque na isang international law expert, hindi pa ito maituturing na tagumpay sa panig ni Trillanes dahil pagkatapos ng preliminary examinations ay sasalang pa ito sa preliminary investigation.
Sa pre-trial at trial chamber malalaman din kung mayroon silang hurisdiksiyon sa isinampa ni Trillanes na reklamo.
Sa ngayon ay wala pang nakikitang rason si Roque na magpadala ang pamahalaan ng abogado o kinatawan dahil pagsisiyasat pa lang kung dapat itong ma-imbestigahan ng ICC.
Nanindigan ang Malacañang na walang hurisdiksiyon ang ICC na manghimasok sa war on drugs ng Pilipinas dahil saklaw ito ng soberenya ng bansa na pangalagaan ang sambayanan laban sa banta ng iligal na droga.
Sa huli sinabi ni Roque na nakahanda si Pangulong Duterte na harapin ang mga prosecutors sa ICC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.