Si Snowden ang nagsilbing whistleblower na nag-leak o nagpakalat ng mga sensitibong impormasyon ukol sa malawakang intelligence gathering at surveillance programs ng National Security Agency ng Amerika noong 2013.
Ilang oras lamang matapos nitong magbukas ng account sa micro-blogging site kahapon, umabot na sa mahigit 400,000 ang mga followers nito at patuloy pa itong nadaragdagan.
Unang tweet ni Snowden na gumagamit ng Twitter handle na @snowden ang mga katagang “Can you hear me now” na hango sa isang tv commercial ng isang cellphone provider.
Sa kanyang profile, sinabi nito na siya ay dating nagtatrabaho sa gobyerno ng Amerika, ngunit ngayon ay nagtatrabaho na para sa publiko.
Bagamat halos kalahating milyon na ang kanyang followers, iisa lamang ang kanyang sinusundang account.
Ito ay ang account ng dati niyang pinagtatrabahuhan, ang National Security Agency na gumagamit ng Twitter handle na @NSAGov.
Matapos ibunyag ang mga intelligence surveillance na ginagawa ng NSA, tumakas si Snowden at namamalagi na ngayon sa Russia.