Mga pulis na natutulog at umiinom habang nasa trabaho, sinibak sa pwesto ng NCRPO

Sinibak na sa pwesto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde ang mga pulis na naaktuhan niyang natutulog at nag-iinuman habang nasa oras ng trabaho.

Sa isinagawang surprise inspection nina Albayalde sa Pasay City Police Community Precinct 8 (PCP-8), sinermunan niya ang hepe ng PCP-8 na si Senior Insp. Ferdinand Duren dahil nadatnan niya itong tulog, pati na ang dalawa pa nitong tauhan.

Sa pananermon niya kay Duren, sinabi ni Albayalde na kinukunsinte nito ang kaniyang mga tauhan na tulugan ang trabaho dahil maging siya na hepe ng presinto ay tulog din.

Tinanong naman ni Alabayalde ang isang pulis na natutulog na dapat ay nagpapatrulya, kung hanggang saan ang naabot ng kaniyang beat patrol habang nananaginip.

Dahil dito ay sinibak na sa pwesto si Duren, pati na sina PO3 Jodi Rezare at PO1 Michelle Flores.

Maliban sa kanilang tatlo, nadamay sa pagkakasibak ang 11 iba pa dahil ayon kay Albayalde ay hinahayaan lang ng mga ito ang maling gawain ng kanilang mga kapwa pulis.

Samantala, nanggigil naman si Albayalde nang maaktuhan naman niyang nakikipag-inuman ang hepe ng PCP 4 ng Muntinlupa City na si Senior Insp. Mark Oyad sa kaniyang mga tauhan habang hindi pa naka-suot ng uniporme.

Hindi naman tinanggap ni Albalayde ang katwiran ni Oyad na may kaunting selebrasyon lang dahil sa kaarawan ng isa sa kanilang mga pulis.

Maaring maharap sa kasong neglect of duty ang mga nasabing pulis kung mapapatunayan ang kanilang pagpapabaya sa trabaho.

Read more...