Doktor, binatikos ang pagpigil ng Cebu Pacific na ibyahe ang isang sanggol patungong Maynila
Naging viral sa Facebook ang post ng isang cardiologist kaugnay sa paglalagay ng Cebu Pacific sa buhay ng isang sanggol sa kapahamakan.
Ibinulalas ni Dr. Josephine Dela Cerna noong Linggo ang kaniyang pagka-dismaya sa nasabing airline dahil sa pagpigil nito na makasakay ng eroplano ang kaniyang pasyenteng sanggol na anim na araw na gulang pa lamang.
Sinamahan ni Dela Cerna ang sanggol at ang ama nito na bibiyahe mula Cagayan de Oro City patungong Maynila para sa nakatakda nitong cardiac surgery.
Aniya umalis na sila ng alas kuwatro ng madaling araw sa ospital para habulin ang 6:30 am flight ng Cebu Pacific, ngunit pagdating nila sa Laguindingan Airport, sinabihan sila ng Cebu Pacific staff na hindi puwedeng dalhin ang oxygen tank na nakakabit sa sanggol.
Dahil dito naghagilap ng electric oxygen concentrator ang ama ng bata na ayon sa staff ay maaaring gamitin sa loob ng eroplano, pero nang nakuha na ito ng ama, nalaman naman nila na hindi rin ito maaaring gamitin sa loob ng eroplano dahil 120 volts lamang ang outlet doon.
Tinanong ng doktor kung pwede ba nilang gamitin na lamang ang emergency oxygen tank sa loob ng eroplano pero tumanggi ang crew sa kadahilanang para sa “inflight emergencies” lang ang nasabing aparato at hindi puwedeng gamitin habang nakalapag pa ang eroplano.
Nang magawan ng paraan na makahanap ng transformer para sa oxygen ng sanggol, hindi pa rin sila pinayagan ng kapitan ng eroplano dahil 6-days old lamang ang sanggol.
Dahil dito, umabot pa ng hapon bago nakasakay ng eroplano ang pasyente at hindi rin pinayagan maisakay ang oxygen tank nito sa eroplano.
Samantala, humingi na ng paumanhin ang Cebu Pacific sa mag-ama dahil sa abalang naranasan nila kaya hindi sila nakaalis agad.
Gayunman, iginiit pa rin ng kanilang Corporate Communications na si Manager Michelle Pestaño-Fojas sa kanilang pahayag na isang safety protocol ang hindi nila pagpayag na magdala ng oxygen tank sa loob ng eroplano para sa kaligtasan ng lahat ng mga pasahero dahil maaari itong sumabog.
Anila, sinusubukan na rin nilang makausap ang mga pasaherong naabala para matulungan sila sa kanilang biyahe pabalik.
Sa ngayon ay nasa Philippine General Hospital na ang sanggol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.