Gamit ang mga surveillance sunglasses na may ‘facial recognition technology’ ay kaya ng mga pulis ma-scan ang publiko upang mahanap ang mga pinaghahanap ng batas.
Gamit ang bagong teknolohiya, makakakuha ng photograph ang sunglasses ng pinaghihinalaang indibidwal at maikukumpara ito sa mga larawan na nakalagak sa isang ‘internal database’.
Ayon sa Chinese state media, pito na ang nadadakip ng pulisya gamit ang naturang salamin sa mata.
Ginamit ng mga awtoridad ang bagong kagamitan sa isang train station sa Zhengzhou City upang matukoy ang mga takas.
Ang pitong ito ay pawang inaakusahan sa mga krimeng may kinalaman sa hit and run at human trafficking.
Sa ulat naman ng pahayagang People’s Daily nasa 26 katao rin ang natukoy na may pekeng ID gamit ang surveillance sunglasses.
Gayunman, ang naturang teknolohiya ay kinatatakutan ng mga kritiko na magamit ng gobyerno sa pagmamalabis sa kapangyarihan lalo na sa paghanap sa mga tumutuligsa sa pamahalaan.
Ang China ang numero unong bansa sa mundo sa ‘artificial intelligence’ o AI na kinabibilangan ng facial recognition kung saan halos lahat sa 170 milyong CCTV na naka-install sa bansa ay mayroon na nito.