NFA, itinigil na muna ang paglalabas ng supply ng bigas sa Visayas at ibang lugar
Inihinto na muna ng National Food Authority (NFA) ang paglalabas ng supply ng bigas sa mga accredited retailers sa Visayas at iba pang bahagi ng bansa.
Sa ngayon, inirereserba na lang muna ang mga natitirang stock ng NFA rice para sa mga pangangailangan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Central Visayas, National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga lokal na pamahalaang apektado ng sakuna.
Ilang mga residente na ng Tagbilaran City ang napilitan nang bumili ng “bukid rice” o iyong mga direktang galing sa mga magsasaka na hindi hamak na mas mahal kumpara sa lagi nilang binibiling NFA rice.
Sa Eastern Visayas, tanging 64,000 na kaban na lang ng NFA rice ang natira sa kanilang stock noong Martes.
Naghihintay na lang ang NFA na maaprubahan ang kanilang hiling na makapag-angkat ng bigas mula sa Vietnam o sa Thailand para mapunan ang kanilang kakulangan sa stock.
Pansamantala ay umaapela ang mga opisyal ng NFA sa mga nagbebenta ng bigas na huwag namang samantalahin ang kawalan ng NFA rice sa mga tindahan para taasan ang presyo ng ibang klase ng bigas.
Gayunman, tila walang pakialam ang mga rice retailers dahil mula nang itigil ng NFA ang paglalabas ng supply ay tumaas agad ang presyo ng mga bigas ng hanggang 100 kada isang sako habang ang iba ay P2 na ang itinaas kada kilo sa ibang bahagi ng Visayas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.