Kumpyansa si Senador Juan Miguel Zubiri na maipapasa ang Bangsamoro Basic Law sa Senado bago matapos ang kanilang sesyon sa Marso.
Paliwanag ni Zubiri, lahat ng mga senador ay sang-ayon sa kasalukuyang draft ng BBL.
Ito ang positibong pahayag ni Senador Juan Miguel Zubiri sa isinagawang pulong balitaan sa Maynila kung saan tinalakay niya ang tungkol sa kasalukuyang draft ng Bangsamoro Basic Law partikular na ang ilang mga isyu na may kinalaman sa mga lupain.
Paglilinaw ni Zubiri, mayroon pang mga maliliit na bahagi ng BBL na mayroong concerns ang mga senador kagaya ng magiging sistema ng militar, pagsugpo sa kurapsyon, pagiging autonomous ng Bangsamoro government at priority funding.
Aniya, refinements na lamang ang gagawin tungkol sa mga nasabing concerns at 100-porsiento ng mga senador ang sang-ayon sa kasalukuyang draft ng Senado tungkol sa BBL.
Ayon pa kay Zubiri, isa sa magiging magandang dulot ng BBL ang pagbibigay nito ng daan sa pagkakaroon ng kapayapaan sa Mindanao.
Aniya, tanging mga political warlords lamang ang hindi sangayon sa BBL dahil kapag naipatupad ito ay mawawalan sila ng kapangyarihan sa kanilang sinasakupang lugar.
Dagdag pa ni Zubiri, hindi magiging sagabal ang BBL sa isinusulong na pederalismo.