Lusot na sa makapangyarihang Commission on Appointments ang nominasyon ni Dr. Francisco Duque III bilang kalihim ng Department of Health.
Sinabi ni Sen. Gringo Honasan na siyang Health Committee Chairman ng C.A na hindi matatawaran ang dedikasyon ni Duque na minsan na ring naglingkod bilang kalihim sa kagawaran noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Puro papuri rin ang tinanggap ni Duque mula sa mga miyembro ng komite na kinabibilangan nina Sen. Manny Pacquiao, Miguel Zubiri, Ralph Recto at JV Ejercito.
Hinamon naman ng mga mambabatas si Duque na tutukan ang problemang hatid ng Dengvaxia controversy.
Sa kanyang panig ay nagpasalamat ang kalihim na tiwalang ibinigay sa kanya ng mga mambabatas na kasapi sa Commission on Appointments.
Si Duque ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DOH noong nakalipas na buwan ng Oktubre, 2017 makaraang ibasura ang nominasyon ni dating Sec. Paulyn Obial.