Line gangs ng NGCP, pinapanatiling maayos ang daloy ng kuryente sa Pangasinan
Sakaling makaranas ng biglaang pagkawala ng kuryente sa Pangasinan, ito ay dahil may mga tauhan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na araw-araw na nag-iinspeksyon ng mga linya at tore ng kuryente sa lugar.
Sila ang mga tinaguriang “line gangs” na binubuo ng pitong kalalakihang empleyado ng NGCP na lumalakad ng pitong kilometro araw-araw para tiyaking nasa mabuting kondisyon ang lahat ng mga kable at mga bakal na poste at tore ng kuryente na nakakalat sa buong Pangasinan.
Ayon sa kanilang corporate communications officer na si Lilibeth Gaydowen, nag-uumpisa ng alas otso ng umaga ang pag-iinspeksyon ng mga line gang. Sa ordinaryong mga araw, ang bawat gang ay itinatalagang mag-inspeksyon ng 30 hanggang 40 istruktura sa mga flat terrains, at 20 hanggang 30 istruktura naman kung sila ay nasa rolling terrain.
Mayroong 732 tore ang Pangasinan na may taas na 73.1 metro bawat isa, at dahil mayroon lamang silang 4 line gangs, ang bawat isa sa kanila ay may naka-tokang inspeksyunin na 183 na tore.
Kasama rin ani Gaydowen sa kanilang mga sinusuri ay ang mga daan-daang bakal at kahoy na posteng may mga taas na 21.3 metro at may pagitan na 100 metro.
Kailangan rin aniya na may matalas na paningin ang mga line gangs para mabilis nilang makita ang mga hot spots o ang mga kable na umiinit na.
Sila rin ang mga nagaalis ng mga sanga ng puno na sumasabit sa mga kable ng kuryente, at iba pang maaaring makasira sa maayos na daloy ng kuryente.
Ani Gaydowen, dahil sa ganitong sistema, madali nilang malalaman kung saang bahagi ng kanilang transmission lines ang nagkaproblema ng sa gayon ay madali nila itong magagawa at para na rin mabilis nilang maibalik ang kuryente sakaling mawala ito.
Ayon naman kay NGCP District 3 head Allan Sandoval, ang pagtatalaga ng mga line gangs ay isang bahagi ng kanilang depensa laban sa mga magnanakaw na pumuputol ng braces sa kanilang steel towers para ikalakal.
Aminado naman ang NGCP na hindi pa rin kakayanin ng kanilang mga line gangs ang pagbabantay sa mga tore at poste, kaya naman nanawagan rin sila ng tulong sa mga komunidad na kinaroroonan ng mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.