Inaasahang bahagyang maiibsan na ang masikip na daloy ng traffic sa kahabaan ng Katipunan Avenue, Quezon City.
Ito ay dahil bukas na sa mga motorista ang dalawang bagong lanes sa southbound ng Katipunan Avenue.
Ang naturang daan ay 672 meters ang haba na mula Shuster Street malapit sa UP Integrated School at aabot hanggang sa CP Garcia Street.
Dumalo sa pagpapasinaya si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar at aniya, patuloy pa ang gagawing katulad na mga proyekto ng ahensya upang maibsan ang napakabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila, partikular na kapag rush hour.
Nagkakahalaga ang pagpapagawa ng karagdagang kalsada ng 55 milyong piso.
Ayon pa kay Villar, magkakaroon din ng flyover o viaduct sa Katipunan para lalo pang mapagaan ang trapiko dito.