Galit na hinarap ng babaeng biktima ng dalawang miyembro ng ‘ipit gang’ na kumuha sa kaniyang cellphone sa isang bus sa Barangay Old Balara, Quezon City.
Kinilala ang dalawang naarestong suspek na sina Jhon Mark Rafael at Aljun Maliis, habang nakakalaya pa hanggang ngayon ang isa pa nilang kasama.
Kwento ng biktimang si Javanagee Arciaga, hindi siya agad nakababa ng bus dahil mayroong humarang sa pintuan nito. Bigla na lamang aniyang napansin na nawala ang tugtog sa kanyang tainga at huli na nang mapagtanto niya na ninakaw na pala ang kanyang cellphone.
Ayon pa dito, nagmagandang loob si Maliis na tinulungan siyang hanapin ang mga nagnakaw ng kanyang cellphone.
Hindi niya alam na kasabwat pala ito pagnanakaw.
Ayon kay Teresita Solano na desk officer ng Barangay Old Balara, marami ang miyembro ng ipit gang. Modus aniya ng mga ito na gitgitin ang kanilang bibiktimahin sa pamamagitan ng pagharang sa pintuan ng bus. Kapag nagkaroon ng pagkakataon ay saka na dudukutan ang mga biktima, at pagkatapos ay saka naman sisignal ang isa pang miyembro ng grupo para umalis na sa pagkakaharang ang kasamahan.
Dagdag pa ni Solano, kasama din sa grupo ang isang magpapanggap na tutulong sa biktima para lituhin ito at makatakas ang iba pang mga suspek.
Hindi na itinanggi ni Rafael ang partisipasyon ngunit aniya, na-hypnotize lamang siya ng kanyang kasamang nakilala lamang sa alyas na Buboy.
Giit pa ni Rafael, hindi niya kasama si Maliis sa operasyon.
Nang maaresto ng mga kawani ng barangay, sinubukang makipag-areglo ni Rafael sa pamamagitan ng pagpapasauli ng cellphone ng biktima na ipinaabot naman sa asawa na Maliis.
Bagaman naibalik ang cellphone ay desidido ang biktima na sampahan ng kaso si Rafael, ngunit hindi naman niya balak ireklamo si Maliis dahil aniya, tinulungan naman siya nito.
Samantala, napag-alaman na dati na palang naaresto si Maliis dahil sa kasong robbery snatching.