MRT umamin na pitong tren na lang ang operational sa kasalukuyan
Aabot lamang sa pitong tren ang napapakinabangan ng mga pasahero ng MRT 3.
Ayon kay MRT 3 Media Relations Manager Aly Narvaez, kinailangan nila na tanggalin ang dalawang tren dahil sa isyu ng mechanical failure at dapektibong communication system.
Kaninang alas-tres ng hapon ay aabot sa walo ang operational at tumatakbo habang inaabot naman ng ilang minuto naman ang paghihintay ng mga pasahero bago makasakay sa susunod na tren.
Sa nakalipas na maghapon ay wala namang naitalang pagtirik sa gitna ng riles ang mga tren ng MRT 3.
Samantala, aabot naman sa 35 minuto ang kinailangang ilaan na oras ng mga pasahero ng MRT 3 sa EDSA Taft station para lamang makasakay at makaalis mula sa istasyon.
Punong-puno ang platform sa nasabing MRT station at ang dami ng tao ay umabot pa hanggang sa taas ng hagdan.
Sa anunsyo ng MRT 3 management, pitong tren lamang ang kasalukuyang tumatakbo kaya matagal ang waiting time ng mga pasahero.
Pagdating naman sa Magallanes station ay umabot ang pila sa kalsada.
Siksikan ngayon sa loob ng tren kaya naman kahit hindi na humawak pa sa mga handrails ay may katiyakan na hindi matutumba ang mga pasahero.
Sa sobrang pagkapuno ng bawat bagon ng MRT ay halos walang pasahero sa mga susunod na istasyon ang nakakasakay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.