400 private schools magtataas ng matrikula ngayong taon ayon sa NUSP
Umaapela ng agarang aksyon mula sa gobyerno ang National Union of Student of the Philippines (NUSP) kaugnay ng kanilang ibinulgar na tambak umano na mga petisyon para sa taas matrikula ngayong taong 2018.
Ayon sa kanilang spokesman na si Raoul Manuel, ngayong buwan ng Pebrero umaabot na umano sa 400 private schools at kolehiyo ang naka-amba na magtaas sa kanilang tuition fee at iba pang school fees.
Batay aniya sa karaniwang komputasyon, tumataas ang matrikula sa antas na anim hanggang sampung porsiyento kada taon na ang ibig sabihin ay panibagong dagan na naman sa pamilyang Pilipino.
Ikinababahala pa ng organisasyon ang datos na humigit kumulang na walompung porsiyento ang pribadong paaralan sa bansa – walomput-walong porsiyente umano sa mga ito ay pribado nang pag-aari ng mga malalaking negosyante.
Lumilitaw sa pag-aaral ng NUSP na kabilang sa mga institusyon na sobra umanong nakikinabang sa tinatawag na ‘profiteering system’ ang University of the East (UE), Lyceum University of the Philippines (LPU) at Far Eastern University (FEU) na lumagpas sa P600 Million ang kanilang gross revenue noong 2016.
Isinisisi ito ng grupo sa kapabayaan daw ng Commission on Higher Education (CHED) na tila nagsisilbing ‘rubber stamp’ sa isyu ng deregulated na sistema ng edukasyon.
Isa pang ikinaiirita ng NUSP ang umano’y mga bogus consultations na anila’y ginagawang ‘avenue’ para igiit lamang ng mga school administrators ang pagtataas ng matrikula.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.