Supreme Court ibinasura na ang mga petisyon kontra sa Martial Law sa Mindanao
Ibinasura na ng Supreme Court ang lahat ng mga petisyon na kumukwestyon sa one-year martial law extension sa buong Mindanao.
Sinabi ni Supreme Court Spokesman Atty. Theodore Te na sa pamamagitan ng botong 10-5 ay pinagtibay ng Mataas na Hukuman ang isang taong pagpapalawig ng Batas Militar sa rehiyon.
Patunay umano ito na may nakitang sapat na basehan ang mayorya ng mga mahistrado para sa pagpapatibay sa resolusyon na ipinasa ng Senado at Kamara para sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao.
Si Associate Justice Noel Tijam ang ponente ng nasabing desisyon sa panig ng mayorya.
Nauna dito ay kinuwestyon ng ilang mga grupo ang umano’y pagmamalabis ng pamahalaan sa pagpapalawig ng Martial Law gayung nasugpo na ang Maute group na nasa likod ng paglusob sa Marawi City.
Ikinatwiran naman ng Malacañang na nagpasya sila na humirit ng isa pang taon na Martial Law extension dahil nananatili pa rin ang banta ng terorismo sa buong Mindanao.
Kailangan din umanong bantayan ng militar ang gagawing rehabilitasyon sa buong Marawi City na sinira ng limang buwang bakbakan sa panig ng mga tropa ng pamahalaan at mga terorista.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.