Trillanes, hindi pa tapos sa pagbubunyag laban kay Binay
Nangako si Sen. Antonio Trillanes IV na patuloy niyang isisiwalat ang mga umano’y pangungurakot ni Vice President Jejomar Binay.
Tumungo kahapon sa Department of Justice (DOJ) si Trillanes para mag-sumite ng kaniyang rejoinder-affidavit sa kasong libelo na isinampa laban sa kaniya ni suspended Makati Mayor Junjun Binay.
Iginiit niya na ang kasong isinampa sa kaniya ng nakababatang Binay ay isa lamang “harassment case” para mapigilan siya sa pagsisiwalat ng mga anomalyang kinasasangkutan ni VP Binay.
Aniya, hindi mapipigilan ng nasabing harassment case ang kaniyang imbestigasyon, lalo pa’t ginaganahan siya dahil sa napipintong hearing sa senado tungkol kay VP Binay.
Tatalakayin sa pagdinig ang bagong lumabas na anomalyang kinasasangkutan ng Pangalawang Pangulo, at ito ay ang sinasabing bilyon-bilyong piso na umano’y ninakaw at itinago gamit ang mga dummies.
Sa isinumiteng rejoinder-affidavit ni Trillanes, muli niyang iginiit ang kaniyang parliamentary immunity para maibasura ang kasong libelo na isinampa sa kaniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.