Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Department of Agriculture (DA) Sec. Manny Piñol na ang utos ay inilahad ni Pangulong Duterte sa cabinet meeting Lunes (Feb. 5) ng gabi.
Inatasan aniya ng pangulo ang Philippine Navy na bawalan ang mga dayuhan na may aktibidad, nangingisda man o nagsasagawa ng research sa 13 million hectare na Benham Rise.
Nilinaw aniya ng pangulo na dapat wala nang papayagang foreign groups o foreign scientists na makapagsagawa ng pag-aaral sa Philippine Rise at sa halip ay tanging mga Pinoy lamang ang dapat na mapayagan.
“Iyan po ang pinakaunang item sa cabinet meeting, hindi na nga nasunod ang agenda, iyan ang inupakan agad ni presidente. Ang sabi ng presidente, starting today, wala nang papayagang foreign groups na magco-conduct ng studies and research sa Philippine Rise, Filipinos lang ang papayagan. Ang sabi ng pangulo, amin ‘yan!,” sinabi ni Piñol sa Radyo Inquirer.
Kwento ni Piñol, inulit aniya ng pangulo sa cabinet meeting na ang Benham Rise ay pag-aari ng Pilipinas.
“Let me be very clear about this: the Philippine Rise is ours and any insinuation that it is open to everybody should end with this declaration,” ang pahayag ng pangulo ayon kay Piñol.
Partikular aniyang inatasan ng pangulo ang Department of National Defense na magtalaga ng mga barko ng Navy at mga eroplano ng Philippine Air Force para magsagawa ng inspeksyon sa lugar at matiyak na walang foreign vessels doon.
Kamakailan, isang diplomat mula sa isang bansa ang nagbitiw ng pahayag at sinabing ang Benham Rise ay hindi pag-aari ng anomang bansa.
Pero idineklara na noon pa ng United Nations na ito ay bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.