Ibinaba ng Makati City Regional Trial Court Branch 145 ang kaso laban kay dating PO2 Jonjie Manon-og sa homicide mula sa dating murder.
Si Manon-og ay isa sa dalawang pulis na humuli sa motorcycle rider na si John dela Riarte noong July 2016 matapos itong makabangga ng sasakyan sa Ayala Avenue sa Makati City.
Nang maaresto nila si Dela Riarte, napatay siya ng mga pulis dahil umano sa panlalaban nito at pang-aagaw ng baril habang nasa loob ng mobile patungong Camp Crame.
Isang buwan naman matapos ang insidente, tumalon ang isa pa sa mga akusadong pulis na si PO3 Jeremiah De Villa mula sa bubong ng opisina ng Highway Patrol Group (HPG) na kaniyang ikinasawi.
Maliban naman sa pagkakakulong, kailangang magbayad ni Manon-og ng danyos at loss of earnings sa naiwang pamilya ni Dela Riarte ng kabuuang P3,529,150, na may annual interest na 6 percent hanggang sa mabayaran na ito nang buo.