Panukalang pondo para sa bubuuing Bangsamoro region, aabot sa P72-B taun-taon
Papatak sa P72 bilyon ang magiging halaga ng pondong inaasahang ilalaan para sa Bangsamoro autonomous region taun-taon, sakaling maisabatas na ang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado tungkol sa panukalang BBL, nangako naman ang mga Senador na susuportahan nila ang pagpopondo sa Bangsamoro autonomous region, basta’t matitiyak na magagamit ito nang maayos at hindi sa katiwalian.
Ayon kay Senate committee on finance chair Loren Legarda, sakaling hindi maipasa sa Kongreso ang BBL, isususlong niyapa rin ang paglalaan ng nasabing halaga ng pondong nakasaad sa panukala sa susunod na national budget.
Ang hiling lang ni Legarda sa Bangsamoro Transition Committee (BTC) na bumuo ng panukala ay ibigay sa kanilang mga senador ang detalye kung paano nila gagamitin at patatakbuhin ang pondo.
Nakasaad kasi sa panukala na magbibigay ang Central Government ng “annual block grant” na magiging hati ng Bangsamoro sa national internal revenue ng pamahalaan.
Gayunman, nilinaw ni BTC commissioner Raissa Jajurie na hindi naman nanaisin ng magiging Bangsamoro government na umasa lang sa pagiging galante ng Kongreso o sa pagpopondo ng national government.
Paliwanag ni Jajurie, ipinapanukala nilang magkaroon ng automatic appropriation upang matiyak na mailalabas sa tamang oras ang kanilang pondo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.