Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre III na aasahan niya ang report ng NBI at PAO ngayong linggong ito.
Kasabay nito, sinabi ni Aguirre na hindi niya pahihintuin ang PAO sa pagsasagawa ng autopsy sa katawan ng mga batang nasawi.
Ito ay sa gitna ng mga panawagan na dapat ihinto ng PAO ang isinasagawang autopsy dahil hindi naman umano sila eksperto sa medisina.
Paliwanag ni Aguirre, fact finding ang isinasagawa ng NBI at PAO at pawang ‘factual’ lamang ang inilalabas nila batay sa resulta ng autopsiya.
Ani Aguirre, si Dr. Erwin Erfe ng PAO ay isang medico-legal expert at wala siyang nakikitang masama sa paglalahad nito ng mga detalye ng resulta ng autopsy sa mga nasawi.
Paliwanag ni Aguirre, pawang factual at resulta lamang ng autopsy ang inilalahad ni Erfe at hindi naman ito naglalabas ng conclusion na “Dengvaxia nga ang ikinasawi ng mga bata”.
“Ang sa akin, fact finding lamang iyan kaya walang problema sa pag-autopsy ng PAO, si Dr. Erfe ay medico-legal lamang pero walang masama doon. Hindi siya eksperto to say na ito ay produkto o epekto ng Dengvaxia, yung factual lang naman ang sinasabi at inilalabas niya.” Ayon kay Aguirre.
Sa naunang kautusan ni Aguirre, pinatutukoy nito sa NBI ang criminal at administrative liability ng mga nasa likod ng Dengvaxia controversya.