Liberal Party, kumpiyansang sasagot na ng “Oo” si Rep. Robredo

mar-leni
Inquirer file photo

Umaasa ang Liberal Party na magkakaroon sila ng Vice-Presidential candidate at ka-tandem ng kanilang standard bearer na si Mar Roxas sa lalong madaling panahon para sa 2016 Elections.

Ayon kay Iloilo Rep. Jerry Trenas, na siyang Chairman ng National Organizing and Membership Committee ng L.P, “confident” ang kanilang partido na may mapapa-oo sila para maging running mate ni Roxas.

Sa ngayon aniya, ang alok ay nananatili para kay Camarines Sur Rep. Leni Robredo na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring pinal na pasya kung tatakbo siya bilang Pangalawang Pangulo sa ilalim ng Liberal Party.

Sa katunayan, hinimok ni Trenas ang mga taga-L.P na tulungan si Robredo sa pagdarasal para sa makapag-desisyon na ito.

Maghihintay din daw ang partido Liberal kay Robredo hanggang sa siya siya na mismo ang magsara ng pintuan para sa offer na maging V.P. Sakaling mag-NO na si Robredo, sinabi ni Trenas na maghahanap na ang L.P ng ibang posibleng maging kandidato sa pagka-Bise Presidente.

Nauna nang inanunsyo ng mga L.P members sa kamara na bukas, September 30 ay idedeklara na ang magiging running mate ni Roxas.

Pero sa pinaka-huling development ay malamang na maudlot ito at isasabay na lamang sa anunsyo ng buo at final Senatorial slate ng Liberal Party sa October 5.

Read more...