Permit to carry firearms sa Abra, sinuspinde

 

Sinuspinde muna ang mga permit to carry firearms sa mga sibilyan simula kahapon, February 4, sa lalawigan ng Abra.

Alinsunod ito sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa kasunod ng pagpapasabog ng granada sa bayan ng La Paz noong January 25 na ikinasawi ng dalawang pulis.

Bukod dito, isanasagawa rin ang anim na araw na Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) sports meet, kung saan nakatakdang magbigay ng keynote address si Dela Rosa.

Nagsimula na kahapon ang palaro na nakatakdang matapos sa February 9.

Dahil rin sa nasabing insidente, ipinangako ng mga lokal na opisyal ng Abra na babantayan nilang maigi ang mga batang magsisilahok sa palaro.

Kasama naman sa kautusan ni Dela Rosa ang pagbabawal sa pagbili at pagbiyahe ng mga pampasabog at mga sangkap nito.

Masasakop din ng nasabing direktiba ang magaganap na pagdiriwang ng pista sa Bangued at Kawayan Festival ng Abra dahil sa dami ng mga taong inaasahang dadalo.

Kaugnay ng direktibang ito, tanging mga tauhan ng law enforcement agencies lang ang papayagang magbitbit ng baril.

Samantala, patuloy namang iniimbestigahan ang nangyaring pagpapasabog lalo’t wala pa silang maiturong tiyak na mga suspek.

Read more...